ZingTruyen.Store

Knock Knock Professor

NAKATULALA ako sa kisame isang umaga habang iniisip ang nalaman ko tungkol sa propesor at sa kaniyang kakaibang kondisyon. Nabanggit ni Xalvien na hindi lamang araw ang iniiwasan ng propesor kundi pati mga bagay na nagpapaalala nito sa kaniya.

Kaya pala madilim lagi sa mansiyon lalo na kapag gabi. Ang tanging sanhi ng ilaw sa buong Villa Vouganville ay ang espesyal na kisame nito na nagsasala ng liwanag mula sa araw.

Pumayag si Professor Xildius na ampunin ko si Vivi, ang pusang sumunod sa 'kin mula sa palengke, sa kondisyong hindi ito lalabas sa kuwartong itinalaga sa kaniya ng propesor. Para kahit may mabuksan man itong kurtina uli ay hindi na makakaabala.

Nakasara din lagi ang pinto ng kuwarto ni Vivi at binibisita ko na lamang siya para makipaglaro at magpakain.

Dahil hindi puwedeng lumabas ng bahay ang propesor, ako uli ang namalengke para sa mga kakainin namin ngayong linggo. Pauwi na ako sa mansiyon nang makaramdam ako ng kakaiba. Tila may taong kanina pa nakabuntot sa akin.

Lumingon ako at nahuling may lalaking nagtatago sa isang puno. Kinilabutan ang buong katawan ko. Agad akong tumakbo nang mabilis para makabalik sa Villa Vouganville. Hahawakan ko na sana ang doorknob nang biglang may tumapik sa 'king balikat.

"Ahh!" Napatili ako nang makitang nasa likuran ko na pala ang lalaking sumusunod sa akin.

"M-Miss, ito ba ang Villa Vouganville? K-Kailangan ko sana ng tulong ninyo . . ." nauutal na pakiusap nito.

"Bakit mo 'ko sinusundan kanina? Bakit nagtago ka sa puno no'ng nahuli kita?" sumbat ko. "Masyado kang kahina-hinala!"

"Nahihiya kasi akong lumapit, pasensiya ka na," nakayukong paliwanag ng lalaki. "Sinundan kita dahil hindi ko alam ang daan papunta sa Villa Vouganville. M-May nakapagsabi kasi sa 'king ikaw ang bagong assistant ng propesor."

Bagong assistant? May dating assistant si XV?

Pinagmasdan ko nang maigi ang lalaki sa harap ko at sinuri kung papapasukin ko ba siya sa loob. Isa siyang matandang lalaki na nasa singkuwenta anyos na, mukhang hindi madalas maligo't magsipilyo, at balbas-sarado ang hitsura. Mukha namang mapagkakatiwalaan.

Dinala ko siya sa silid-tanggapan kung saan kinakausap ang mga kliyente. Ipinagtimpla ko siya ng kape bago umupo sa tapat niya at naglabas ng mga papel.

"Sige po. Ano po'ng maitutulong ng propesor sa kanila? Isusulat ko po ang mga detalye ng inyong kaso," aking litanya habang nakahanda na ang ballpen para magsulat.

"I-Iyon nga po ang problema," sambit ng lalaki habang nilalaro ang kaniyang mga daliri. "Hindi ko po maalala ang aking ikokonsulta."

"Ha?!" Talaga namang nagsalubong ang mga kilay ko. "P-Paano po namin kayo matutulungan kung hindi n'yo po alam ang problema?"

Panay yuko lamang ng lalaki at humihingi ng tawad. Nagpaumanhin ako saglit at lumabas muna ng kuwarto para puntahan ang propesor.

"Knock, knock." Kinatok ko ang kaniyang pintong laging sarado. "Propesor, may bago tayong kliyente."

"O? At bakit ka narito't hindi naroon? Ako ba ang kliyente?" sarkastikong sagot nito mula sa kabilang panig ng pintuan. Buwisit.

"H-Hindi raw kasi maalala ng kliyente ang problema niya . . ." nakangiwi kong pahayag. Kahit ako rin mismo ay hindi makapaniwala. Paano kami magsisimula kung wala man lang kaming kahit anong clue kung saan mag-uumpisa.

Binuksan nang bahagya ng propesor ang kaniyang pinto. Nakita kong bagong ligo pala ito at nakasuot lamang ng bathrobe, tumutulo-tulo pa ang tubig sa buhok niya. Kusang gumala tuloy ang aking mga mata at sinuri ang kaniyang buong katawan.

"Sa kliyente mo dapat 'yan ginagawa, Fift. Hindi sa 'kin," usal ng propesor. "Siya ang pagmasdan mo at hindi ako."

Iniwasan ko lang siya ng tingin sabay nguso na parang bata.

"Wala ka man lang bang maiuulat sa 'kin na kahit ano? I told you, you shouldn't just rely on words. Write down everything you observed about him. Tanungin mo ang lahat ng puwede mong maitanong."

"Y-Yes, professor . . ." Ang higpit naman ng amo ko.

"Anyway, even if the client doesn't remember his problem, it doesn't mean that it's a hopeless case." Naglabas siya ng lapis at maraming mga papel. Mula sa maliit na siwang ng pintuan ay inabot niya sa 'kin ang mga ito. "Do you know how recognition memory works?"

"Hindi ba iyon ang tawag kapag may naaalala tayong memorya tuwing nakakakita ng mga bagay?" sagot ko.

"Impressive, Fifteen. Mukhang tama lang ang desisyon kong tanggapin ka bilang assistant. You're correct. That's exactly how it works." Itinuro niya ang mga hawak kong papel at lapis. "Kaya guguhit ka ng iba't ibang mga bagay para maalala ng kliyente ang kaniyang problema."

Isinara niya na ang pinto at naiwan akong nakanganga roon. Ano raw?!

"Professor Xildius!" hiyaw ko habang kumakatok nang malakas. "Ano ang iguguhit ko? Napakaraming bagay sa mundo!"

Bumukas saglit ang kaniyang pinto at nag-iwan lamang siya ng ilang mga salita. "That's your job, Fift. Draw all the objects you could think of until something triggers the client's memory."

Isasara niya na sana uli ang pinto nang bigla siyang nagpahabol ng bilin. "By the way, don't knock on my door until you find out what it is."

Nagkulong na uli siya sa kuwarto. Inis na sininghalan ko ang sarado niyang pinto. 'Kainis! Wala man lang siyang balak tulungan ako.

Bumalik na ako sa kuwarto kung saan naghihintay ang kliyente. Iba't ibang mga bagay ang iginuhit ko para pukawin ang kaniyang alaala—mula sa paruparo, bahaghari, ulap, hanggang sa mga gamit sa opisina tulad ng mga stapler at ruler.

Inabot na kami ng gabi ngunit wala pa rin siyang maalala. I excused myself for a quick break. Pumunta ako saglit sa kusina para uminom ng tubig. Naabutan ko ang propesor na nakaupo sa sofa at tumatawa sa binabasa niyang libro.

Buwisit na lalaking 'to. Nag-e-enjoy lang sa gilid habang pinapahirapan ako!

"Ang saya natin, ha?" hirit ko habang pinapatunog ang aking leeg upang ipahalatang napapagod ako. Hinabaan ko ang pagbuntong-hininga para mapansin niya. "Sana may raise ako sa sahod kung lagi akong overtime tulad ngayon," parinig ko.

"Miss Salustiana, may narating na ba ang pagguguhit mo?" tanong niya habang nakatingin pa rin sa binabasa niyang libro. "Baka naman pangit ang mga drawing mo kaya wala siyang maalala."

"Hoy, magaling kaya akong mag-drawing!" naiiritang usal ko. "Ang totoo niyan, may naalala na ang kliyente sa mga iginuhit ko, kaso lamang ay hindi tungkol sa kaniyang problema."

"Talaga? Ano 'yon?" Bahagyang tumaas ang isang kilay ng propesor.

"Gumuhit ako ng iba't ibang mga prutas. Bigla siyang nagsalita nang makita ang larawan ng makopa," salaysay ko habang nakapatong ang nguso ng baso sa 'king labi.

Inalala ko ang sinabi sa 'kin ng lalaki. "Nakuwento ng kliyente na naalala niyang iyon ang kinain niyang panghimagas kagabi. Nagpitas daw siya ng maraming makopa kahapon sa pampublikong hardin ng bayan."

Nakita kong naningkit ang mga mata ng propesor na tila ba may sinusuri.

"Kaso wala raw itong kinalaman sa kaniyang ikokonsulta, kaya hanggang ngayon ay wala pa rin kaming progreso," pagtapos ko. Ibinaba ko na ang baso sa lababo at bumalik na uli sa kuwarto ng kliyente.

***

MARAMING papel na ang nasayang at halos sumuko na ako nang biglang sumigaw ang kliyente sa huli kong iginuhit.

"Iyan! 'Yan na nga, miss!" hiyaw niya habang nakaturo sa larawan ng manika.

Binalikan niya ang mga nakakalat na papel at pinulot ang isa sa mga ito. Itinabi niya sa larawan ng manika ang larawan ng apoy na mas una kong naguhit.

"Ang batang anak ko, n-nasa panganib siya!" Nanginginig ang kaniyang boses at mga kamay. "Pumunta ako rito para humingi ng tulong upang sagipin siya! Kailangan natin siyang puntahan bago siya madisgrasya!"

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Store