ZingTruyen.Store

Knock, Knock, Professor

CHAPTER 4

irshwndy

"NAWAWALA ang nag-iisang anak namin!" humihikbing sumbong ng kliyente sa 'kin.

Nalulukot na ang damit ko dahil sa higpit ng kaniyang pagkakahawak dito. Hinimas ko ang likuran niya at sinubukan siyang pakalmahin. "Upo po muna tayo para mapag-usapan po nating mabuti ang nangyari."

Ibinaon niya ang kaniyang mukha sa mga palad habang ibinabahagi ang kaniyang kuwento. "T-Tatlong araw na siyang nawawala. Pagbalik namin mula sa bayan ay biglang hindi na namin siya matagpuan sa bahay. Hindi ko alam kung bakit niya naisipang lumayas. Ibinibigay naman namin ang lahat sa kaniya. Lagi namin siyang nireregaluhan ng mga bagong laruan . . . pero wala ni isa sa mga iyon ang nagustuhan niya."

"Ano po ba ang pangalan ng inyong anak? Ilang taon na po siya?" Isinusulat ko sa papel ang bawat detalyeng sinasabi niya. Sinubukan kong maging propesyonal, kahit na sa loob-loob ko ay nagpipigil ako ng luha. Hindi ko maiwasang maawa sa nanay sa 'king harapan.

"J-Jansen . . ." nakangiwi niyang sagot. "Nasa may anim na taong gulang na siya."

"Marami pong salamat, 'Nay. Gagawin po namin ang lahat ng aming makakaya para mahanap ang anak ninyo," nakangiti kong sambit.

"Balita ko ay magaling daw ang propesor dito. Sana nga ay mabalik niya agad sa 'kin ang anak ko," malungkot niyang sabi.

Pagkatapos kong hingin ang ilan pang detalye mula sa kliyente ay nagpaalam na siyang umalis. Inayos ko ang mga papel at naglakad na rin ako pabalik sa silid ng propesor.

"Knock, knock!" bigkas ko habang kumakatok sa kaniyang pinto.

Unti-unti itong bumukas at bumungad ang inis na mukha ng propesor sa pagitan ng awang. "How many times do I have to tell you? Don't knock and say 'knock' at the same time. It's fucking redundant."

"Ito na po ang request ng client, sir." Hindi ko na lang pinansin ang kaniyang puna at iniabot ko ang mga papel na naglalaman ng mga detalye tungkol sa kaso.

Tiningnan niya lang ito nang saglit at ibinalik na agad sa 'kin. 'Yon na 'yon? Hindi niya man lang ninamnam?

"Do it again. I won't accept this kind of report," masungit na sabi nito. Isasara niya na sana ang pinto ngunit hinarang ko ang aking paa.

"Teka! What do you mean?!"

Iniwan na ng propesor ang pintuan at naglakad papunta sa kaniyang pang-isahang sofa. Sumunod ako sa loob at pumasok na rin sa kuwarto niya.

"Wait lang, professor! Bakit? Nakatala naman dito ang buong kuwento ng kliyente!" Tiningnan ko uli ito. Sigurado naman akong isinulat ko ang lahat ng sinabi ng nanay kanina.

"Tell me what's wrong with your report." Kinuha niya ang tasa ng kape na nakapatong sa katabing study table. Ininom niya ito habang nagbabasa ng libro.

Ginawa ko ang kaniyang sinabi, ngunit hindi ko pa rin maintindihan kung ano ang mali. "Sir, I wrote everything that the client shared. I'm one hundred percent sure."

"If you only wrote what's said to you, then what's the use of consulting a psych professor?" usal niya nang hindi inaangat ang tingin mula sa binabasang libro.

"Kung 'yan lang ang nasa papel ay walang ipinagkaiba ang alam natin sa alam ng mga pulis at mga tsismosang kapitbahay. I already told you the importance of analyzing human behavior. Write down beyond what's being told. Itala mo ang mga sarili mong obserbasyon."

Sinunod ko ang propesor. Inulit ko ang aking report at isinulat ang mga bagay na napansin ko tungkol sa kuwento ng kliyente.

Pagbalik ko ay nakasara na naman ang pinto niya. Kumatok ako at patayong ipinakita ang papel pagkabukas niya ng pinto. Wala pang isang minuto ay sinaraduhan niya na agad ako. Ano na naman?!

"Kulang pa. Bumalik ka uli kapag kompleto na ang report mo," utos niya mula sa kabilang panig ng pintuan.

"P-Pero, professor!" Hinampas ko ang aking palad sa nakasarang pinto. "Ano pa po'ng kulang?"

"Kung estudyante kita, bagsak ka na," he remarked. "I already told you before, psych and anatomy go hand in hand. Include every detail, down to the wrinkles of her forehead."

Hay, napakaistrikto naman ng propesor na ito. 'Buti na lang ay hindi ko nga siya naging guro.

Pumunta ako sa 'king paboritong sofa sa may silid-tanggapan at sinubukang alalahanin ang eksena kanina kasama ng kliyente. I'm thankful that I have a photographic memory. Inilarawan ko sa 'king ulat ang lahat ng mga detalyeng nakita ko kanina. Mula sa mukha ng kliyente hanggang sa kaniyang paa.

Importance of anatomy. . . . Malalim ang aking iniisip habang kagat-kagat ang dulo ng panulat.

If he wants details, then I'll give him details. Iginuhit ko ang hitsura ng bata ayon sa pagkakakuwento ng magulang. Isinulat ko ang mga detalye tungkol sa bawat parte ng kaniyang katawan.

'Down to the wrinkles of her forehead.' Naalala ko ang sinabi ng propesor kaya iginuhit ko rin ang nag-aalalang hitsura ng nanay kanina. Kung gaano kamaga ang mga itim nitong mata sa pag-iyak, hanggang sa di-mapakaling pagtapik ng kaniyang paa sa sahig.

Saktong natapos ako sa 'king report nang biglang may kumuha ng papel na hawak ko. Nakatayo na pala ang propesor sa tapat ko at binabasa ang bago kong ulat habang umiinom pa rin ng kape.

"K-Kumusta, professor?" kabado kong tanong habang nakatingala sa kaniya.

"Very good, Fifteen," pagpuri niya, sa wakas.

Hindi ko mapigilang kiligin nang kaunti nang sabihin niya iyon. Pinaghirapan ko kasing maigi ang aking report.

***

KINABUKASAN, magiliw kong kinakain ang aking almusal nang pumasok ang propesor sa kusina para magtimpla ng kape.

"Fift, siya nga pala, kailangan mong puntahan ang bahay ng kliyente natin ngayong umaga. Isulat mo uli ang lahat ng maoobserbahan mo."

Ang aga-aga, utos agad. Wala man lang good morning.

"Hindi ka ba sasama?" Lumingon ako sa kaniyang direksiyon habang nangangalumbaba sa 'king palad.

"Kumuha pa 'ko ng assistant kung gagawin ko rin ang lahat?" sarkastikong usal ng kaniyang masungit na boses. "Marami akong inaasikaso. Make sure you write down everything, okay? Kausapin at obserbahan mo rin ang ibang miyembro ng kanilang pamilya."

"Yes, sir . . ." walang gana kong sambit habang dinadala ang aking mga pinagkainan sa lababo. Medyo nalungkot kasi ako na hindi niya ako sasamahan. Pero bakit nga ba gusto ko siyang makasama?

***

PUNO ng laruan ang abandonadong kuwarto ni Jansen. Mukhang mahal na mahal nga siya ng kaniyang mga magulang dahil sa dami ng mga regalo.

Nakausap ko rin ang iba nilang kapamilya. Si Jansen lang ang nag-iisang anak ng mag-asawa, at kasama nila sa bahay ang kaniyang mga lolo't lola.

Katulad kahapon, panay iyak pa rin ng ina ni Jansen at halatang napupuyat na ito sa sobrang pag-aalala. Sinabihan ko ito na gagawin namin ang lahat ng aming makakaya para mahanap ang kanilang anak.

Pagbalik sa Villa Vouganville, naabutan ko ang propesor na nagtitimpla na naman ng kape.

"Hindi ka ba masosobrahan niyan sa kakakape?" hirit ko habang inaabot ang mga papel kung saan nakasulat ang aking bagong ulat.

"Law of equivalent exchange," banggit ng propesor habang sinusuri ang aking mga sulat. "You'll only get overcaffeinated if you don't burn enough energy. In my case, my brain cells are always working twenty-four seven."

Bawat araw yata ay may bago akong natututuhan sa guwapong propesor na ito. "Kumusta ang report? Mahahanap ba natin si Jansen?"

"It depends on you," mahiwagang sagot niya na naging dahilan para kumunot ang aking noo. "Have you seen any kids around here?"

Napaisip ako nang mabuti. Wala namang ibang bata sa bahay nina Jansen.

"Ah!" Napapalakpak ako bigla nang maalala ang mga batang nakausap ko no'ng isang araw. Sila ang nagturo sa 'kin kung paano makapunta sa Villa Vouganville. "Oo, may mga nakita nga 'kong bata!"

"Kids are social animals by nature. Unlike adults, they can easily make friends with total strangers," paliwanag ng propesor. "Kausapin mo sila dahil baka may alam sila sa hinahanap nating bata."

"Sure!" sabik kong sigaw dahil sa tuwa na baka mahanap na namin si Jansen. "Pupuntahan ko sila ngayon din—"

"Fifteen." Tinawag ng propesor ang aking atensiyon bago ako makarating sa pintuan. "If you ever see the kid, don't call him by his name."

"Ha? Bakit naman?"

"Just to be sure," payo nito. "Baka bigla siyang lumayo sa 'yo 'pag nalaman niyang kilala mo siya."

Tumango ako sa kaniya at binasta na uli ang aking mga gamit.

***

PAGKARATING sa lugar kung saan ko sila unang nakita, natagpuan ko uli ang mga batang iyon na naglalaro. Nanlaki ang aking mga mata nang mapansing apat na sila ngayon.

Lumapit ako sa kanila, at lalo akong napanganga nang makitang kahawig ni Jansen ang bagong bata ayon sa pagkakalarawan ng kaniyang ina. Bigla akong nakaramdam ng pagkasabik dahil baka siya na nga ang hinahanap namin.

Nagkaniya-kaniyang laro muna ang mga bata, kaya kinuha ko na ang pagkakataong kausapin ang batang kahawig ni Jansen. Ngunit tulad ng payo ng propesor, umakto muna akong hindi siya kilala.

"Bata, mga kaibigan mo ba sila?" bungad ko.

"O-Opo, kakakilala ko lang sa kanila noong Huwebes," sagot nito sa'kin. Sakto, iyon ang araw na lumayas si Jansen sa kanila.

Napagmasdan ko siya lalo nang malapitan. Sigurado na nga akong si Jansen ito. May dalawang nunal sa noo, kulay-kapeng mga mata, pabilog na ilong, at may malalim na guhit sa gitna ng kaniyang baba.

"B-Bakit ka nga pala narito?" napapatikhim kong tanong dahil iniingatan kong hindi siya makapansin ng kakaiba.

"Hindi ko na po kasi mahanap kung nasa'n ang bahay namin . . ." malungkot na wika nito.

Kung gano'n, naliligaw lang pala siya at hindi na nakabalik sa bahay nila.

"Gusto mo bang sumama sa 'kin? Tutulungan kitang makabalik!" pagyaya ko sa bata. "Doon ka muna sa mansiyon namin. May propesor doon na tiyak na makakasundo mo!"

Napangisi ako nang maisip ang hitsura ng propesor na nakikipaglaro. May hinala kasi akong hindi ito mahilig sa bata.

"Talaga po?" Biglang kumislap ang mga mata ni Jansen. "Sige po! Sasama ako!"

Hinawakan ko ang kaniyang kamay at isinama siya papunta sa mansiyon. Sa wakas ay maibabalik ko na rin si Jansen sa mga magulang niyang ilang araw nang naghahanap sa kaniya.

Pagkapasok sa loob ng villa ay ipinagluto ko agad ang bata ng masarap na pagkain. Ganadong-ganado siyang sumubo, tila ba matagal na siyang hindi nakakakain nang maayos.

Iniwan ko muna si Jansen upang pumunta sa silid ng propesor. Kumatok ako sa pinto nito, hindi ako makapaghintay na sabihin sa kaniyang nahanap ko na ang nawawalang bata.

Pagkabukas ni propesor ng pinto ay agad kong ibinahagi ang mabuting balita. "Professor! Nahanap ko na sa wakas si Jansen!"

"Good," matipid nitong sabi.

"Kailan natin siya balak ibalik sa bahay nila? Papuntahin na ba natin dito ang nanay niya?"

Sabik na sabik na talaga akong makita ng nanay ang kaniyang nawawalang anak. Ngunit naglaho ang malaking ngiti sa 'king mukha dahil sa di-inaasahang sagot ng propesor.

"Hindi natin siya ibibigay sa kanila."

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Store