Chapter 3
Hindi mapigilan ni Geallan ang mapangiti habang nagda-drive ng bangka kapag naaalala si Dock. Hapon na siyang umalis sa yate ng binata. Ayaw siyang paalisin agad. Nakipagkwentuhan pa ito. Napag-alaman niyang may tatlo itong kapatid, isang lalaki at dalawang babae. Tingin niya ay protective ito sa mga kapatid dahil kahit sa kanya ay naging protective ito kanina. Pagsakay niya kasi ng bangka kanina ay inilipad ng hangin ang suot niyang bestida, pinakamaganda at pinakamabangong bestidang naisuot niya buong buhay niya. Ang kapatid ni Dock ang may-ari nito.
At ayon nga! Tinakpan ni Dock ang mata ni Nognog gamit ang palad dahil nakatingin din sa kanya si Nognog. Nakagalitan siya ni Dock, ipitin daw niya ang bestida niya dahil nasisilipan siya. Malaking halaga rin ang ibinigay sa kanya ni Dock para sa bayad sa isda. Sampong libo. Sobrang laki. Dapat dalawang libo lang ang kikitain niya sa nahuling isda. Napakalali na niyon dahil madalas ay limang daan hanggang pitong daan lang ang kita niya, at kapag malas-malas ay dalawang daan hanggang tatlong daan lang. Swerte lang talaga kanina at medyo madami ang huli. Magagandang klaseng isda pa nahuli niya.
Ngayon lang siya nakatanggap ng buong sampung libo. Ayaw niya sanang tanggapin iyon dahil kalabisan iyon pero nagpumilit si Dock. Bayad na raw nito iyon para sa huhulin niyang isda bukas. Kung maaari raw na huwag na muna siyang mangisda. Samahan daw niya itong mag-ikot sa mga karatig isla. Pumayag naman siya. Bukod sa perang bayad sa kanya ay gusto niya rin itong makita ulit. Gusto niyang makasama ulit. Masarap kasama si Dock. Masarap kausap at sandali niyang nakalimutang isa siyang taong pasan ang lahat ng problema mundo. Medyo nahihirapan lang siya minsan kapag nagsasalita ito ng Ingles. Ang bilis at nagkakaroon ng accent. Hindi niya maintindihan. Tatango-tango na lang siya.
Napag-alaman niyang may islang pag-aari si Dock dito sa lugar nila. May beach house daw ito roon. Napakayaman! Bagay na ipinagkait sa kanyang pamilya.
Nang maihinto ang bangka ay kinuha niya ang perang nasa sobre, nakaipit sa kanyang panties. Kumuha siya ng tatlong libo at muling ibinalik sa pagkakaipit. Tatlong libo lang ang ibibigay niya sa nanay niya. Itatago niya ang iba. Lihim siyang nag-iipon. Medyo marami-rami na rin iyon.
"Mga talakitok!" Sigaw niya at sinabayan na wagayway ng kamay. Nagsilingunan naman ang pitong lalaking nakaupo sa putol na punong niyog. Malapad na ngumiti at nagsilapitan sa kinaroonan niya. Tumalon siya mula sa bangka at patakbong tinungo ang baybayin.
"Kamu na bahala sa baroto nako, ha?"
"Way problema, Geallan," tugon ni Bert isa sa mga kababata niya.
"Kagwapa nimo karon, ah?" Puri sa kanya ni Bert.
Namaywang si Geallan, "Karon lang?"
"Boot nako pasabot mas ni gwapa ka karon. Nindot man gud imo sanina karon murag dili trapohan."
Malakas na tumawa si Geallan. Sabagay mukha ngang basahan lagi ang damit niya at ngayon ay nag mukhang kaayaaya ang kanyang anyo. Mukha talaga siyang maganda ngayon.
"Kamo na bahala diha , ah?"
"Oh, sige! Kanina ka pa pala hinahanap ni Javan. Nag-alala sa 'yo."
Mga kaibigan niya ang karamihan sa lalaki rito. Mas marami siyang kaibigang lalaki kumpara sa kababaehan. Hindi niya nga alam kung bakit pero parang halos lahat ng babae rito mainit ang ulo sa kanya. Lagi siyang sinisiraan. Ilan lang ang maituturing na kaibigan.
Iniwan niya sa mga kaibigan ang bangka. Ang mga ito na ang bahalang humila niyon patungong baybayin. Habang malalaki ang hakbang patungo sa kanilang bahay ay natanaw na agad niya si Javan, ang kanyang ex boyfriend na asawa na ngayon ng kapatid niyang si Alice. Isa pa ito sa araw-araw na pasakit sa kanya. Ang makasama sa iisang bubong ang lalaking sobra niyang minahal, ang lalaking kasama niyang nangarap at nangakong mamahalin siya habang buhay. Ang lalaking kasama niya sa pangisngisda araw-araw.
"Geallan, saan ka ba nanggaling? Kanina pa ako nag-aalala sa 'yo!" Salubong sa kanya ni Javan. Hinawakan siya nito sa magkabilang braso.
"Saan ka nanggaling? Ayos ka lang ba?" Nasa mukha nito ang matinding pag-alala. Marahan siyang tumango.
"Geallan!" Sabay na naibaling ni Geallan at Javan ang tingin kay Alice. Nanglilisik ang mga mata nitong tumingin sa kamay ni Javan na nakahawak sa kanyang mga braso. Agad siyang kumawala sa pagkakahawak ni Javan saka tumuloy sa kanilang bahay. Noon naman lumabas ang kanyang inang si Alma, at agad siyang sinalubong ng malakas na sampal.
"Tarantada ka! Napakaraming labahin pero ngayon ka lang umuwi!" Sigaw ng nanay niya. Sinapo niya ang nasaktang pisngi. Masakit pero ininda na lang niya iyon. Sanay na sanay na siya sa pananakit nito.
"Nagtrabaho po ako, 'Nay!" Rason niya at ipinakita ang tatlong libong hawak. Ang nagpupuyos na ina ay medyo nakalma nang makita ang salapi. Agad nitong hinablot ang pera mula sa kanyang kamay.
"Maraming labada, simulan mo na! Tatlong pamilya ang may-ari niyon. Dapat matapos iyon ngayon dahil babalikan iyon bukas ng may-ari." Binilang nito ang perang hawak. Hinaplos-haplos niya ang pisnging nakatanggap na naman ng premyo habang papasok sa kabahayan.
Ganito lagi ang buhay niya. Mangingisda sa madaling araw, magtitinda ng isda sa palengke o 'di kaya'y sa gulayan at labandera sa hapon hanggang sumapit ang gabi.
Natigilan siya nang makita ang bulaklak at kung ano-anong regalo sa kawayang upuan sa salas.
"Nagpunta rito ang anak ni Mayor kanina. Babalik daw siya mamaya." Ang kanyang ina mula sa kanyang likuran.
"Kung ako kasi sa 'yo pinatulan mo na 'yon nang magkasilbi ka naman." Mariin niyang ipinikit ang mata. Magkasilbi? Wala pa ba siyang silbi na buong maghapon na nga siyang naghahanapbuhay para may maintriga lang siyang pera.
Hinding-hindi niya papatulan ang anak ng mayor na 'yon. Ayon sa tsismis sadista raw iyon.
"Hoy!" Itinulak siya ni Alice.
"Saan galing ang damit mo?" Hinarap niya ang kapatid.
"Binagay lang sa 'kin."
"Type ko. Akin na 'yan! Hubarin mo na at labhan mo, isusuot ko bukas. Two months wedding monthsary namin ni Javan bukas at magde-date kami sa mabato bukas." Kumuyom ang palad niya. Iyon ang lugar kung saan may malalaking formation ng bato. Paborito nila ni Javan na puntahan. At doon sa mismong lugar na iyon may nangyari sa dalawa.
Mabilis siyang tumalikod at pumasok sa silid. Agad na pinunas ang luhang pumatak at umupo sa gilid ng maliit na papag. Ang lakas talagang mang-inis ng kapatid niya. Dalawang buwan palang ang nakakalipas nang ikasal ang dalawa at hanggang ngayon ay sobrang sakit pa rin para sa kanya. Hindi niya nga alam kung makakaget-over pa siya sa ipinaranas na sakit ng dalawang 'yon sa kanya.
Bata palang siya kilala na niya si Javan. Kaibigan niya ito. Tagapagtanggol kapag inaaway siya ni Alice. Niligawan siya ni Javan noong high school sila. Isa sa dahilan kung bakit maraming naiinggit sa kanya dahil sa pagkakagusto sa kanya ni Javan. Palibhasa'y may itsura, kung pisikal ang pagbabasihan ay hindi ito papahuli sa mga Manileño na dumadayo sa lugar nila. Edukadong tao rin at galing sa pamilyang nirerespeto sa kanilang lugar. Anak ito ng kapitan ng kanilang barrangay at kahit paano ay may maalwang pamumuhay.
Nag-aral ito sa Maynila at balak rin nitong mag-abugasya. Sinagot niya si Javan nang bumalik ito sa kanilang lugar matapos gramaduate. Mahal niya si Javan noon pa man pero ayaw niyang sagutin dahil nga mag-aaral ito sa Maynila at alam niyang makakalimutan din siya nito dahil sa daming magagandang babae roon. Pero nagkamali siya. Siya pa rin ang gusto ni Javan at gusto rin siya ng pamilya nito.
Lagi siyang sinasamahan ni Javan mangisda tuwing papasikat na ang araw. Magdadala ng pagkain at sa batuhan maglalagi kapag tapos na siya sa paghahanapbuhay. Ang dami-daming pangarap ni Javan para sa kanila. Binalak na siya nitong pakasalan pero siya lang ang tumanggi. Hindi pa niya kayang iwan ang kanyang pamilya dahil siya lang ang inaasahan ng mga ito na ngayon ay pinagsisihan niya. Sana lang tinanggap na niya ang alok ni Javan. Sana sumama na lang siya. Sana hindi na nagkaroon pa ng pagkakataon ang kapatid niyang maagaw si Javan. Mahalaga rin kasi sa kanya na may basbas ng kanyang ina kung mag-aasawa siya pero lagi nitong sinasabi noon pa man na huwag na huwag siyang magkakamalimg mag-asawa agad.
Dinaya ni Alice si Javan. Pinagplanuhan talaga ang lahat para maagaw nito ang kanyang tatlong taong kasintahan. Third year anniversary nila ni Javan iyon. Pinapunta siya ni Alice sa kabisera kasama ang kaibigan nitong si Nelsy, ayon kay Alice ay ipapasok daw siya ng trabaho ng kaibigan nito. Ayon pala habang wala siya ay kinumbinsi na ni Alice si Javan na magpunta sa mabato dahil doon raw sila magce-celebrate ng anniversary.
Todo effort ito! May picnic blanket, wine, pagkain at bonfire. Pinalabas ni Alice na si Geallan ang may gawa niyong lahat. Habang naghihintay ang dalawa sa pagdating ni Geallan ay binuksan ni Alice ang wine. Hindi na raw ni Javan alam ang mga sumunod na nangyari. Parang nalasing raw ito sa kalahating basong wine at nagising na katabi si Alice at kapwa hubo't hubad. Sigurado raw na may inilagay si Alice sa alak kaya gan'on ang naging epekto kay Javan.
Mismong mga mata niya ay nakita ang dalawa. Hanggang alas siete ng gabi ay naghintay siya sa taong mag-i-interview daw sa kanya para sa trabaho pero walang dumating, hanggang sa sabihin ni Nelsy na nagtext raw si Alice at pinapupunta siya sa mabato dahil naghihintay roon si Javan. Nanghinayang siya na hindi natuloy ang interview pero mas nanaig ang matinding excitement ng araw na iyon dahil balak na niyang tanggapin ang alok na kasal ni Javan, pero para siyang pinagsasaksak sa dibdib at lalamunan nang maabutan ang dalawa. Kapwa hubad habang nakahiga sa picnic blanket si Javan habang si Alice ay nasa ibabaw nito.
Ikinasal ang dalawa pagkatapos ng dalawang linggo. Maprensipyong tao ang mga magulang ni Javan at sa ugali ng kanyang ina na hindi papayag na maagrabyado si Alice ay walang nagawa si Javan kundi ang pakasalan si Alice. Sinubukan siyang kumbinsihin ni Javan na magtanan na lang sila. Naniniwala siyang mahal siya ni Javan at pinikot lang ito ni Alice, pero hindi na niya ito kaya pang tanggapin. Nakita ng mismong mga mata niya ang dalawa at hindi na iyon nawala sa isip niya. Masyadong masakit!
At sadyang nang-iinis yata ang kapatid niya dahil ayaw nitong umalis sa bahay nila. Ang dahilan nito ay hindi nito maiiwan ang nanay nila. Pero sigurado siyang gusto lang siya nitong pasakitan. At isa pa'y iyon din ang nais ng kanyang ina. Ang doon tumira si Javan at Alice kaya wala na siyang nagawa pa.
Hindi rin niya maintindihan si Javan kung bakit pumayag itong tumira sa kanila kasama siya. Gusto niyang umalis! Gusto niyang lumayo! Gustong-gusto niyang makalaya sa lahat ng sakit na nararamdaman niya at handa siyang ibigay ang lahat na mayroon siya para lang makaalis mula sa pagkakasadlak sa ganitong sitwasyon.
"Ano? Masaya ka na! Ligtas ang pinakamamahal mo!" Narinig niya ang galit na boses ni Alice sa kabilang silid.
"Tigilan mo ako, Alice!" Bulyaw naman ni Javan. Kahit kailan ay hindi niya narinig na sumigaw at magalit si Javan. Nito lang. Laging nag-aaway ang dalawa dahil sa kanya.
"Hanggang ngayon mahal mo pa rin siya!"
"OO! Mahal ko si Geallan at hindi iyon magbabago! At sa ugali mong 'yan, mas lalo ko lang pinagsisisihan na pinakasalan kita!"
"Hayup ka!" Ngumiwi si Geallan nang marinig niya ang ingay ng malalakas na sampal.
"Tumigil ka na, Alice! Ikaw ang may gusto nito! Pinikot mo ako! Dahil sa inggit mo sa kapatid mo nagawa mong sirain ang relasyon namin! Ang buhay ko!"
"Mahal kita! Noon pa man mahal na kita! At hindi lang ako ang may gusto ng nangyari sa atin. Ginusto mo rin 'yon kaya nangyari ang bagay na 'yon!" Ganting sigaw ni Alice.
Tumayo si Geallan at nagpasyang lumabas matapos itago ang pera. Sa paglabas niya ng silid ay gusto niyang muling bumalik sa loob nang malabasan ang inang nakaupo sa silya. Nakatiim ang mukha nito. Nanglisik ang mata nito nang makita siya.
"Nasasaktan ang anak ko ng dahil sa 'yo!" Mahina pero ramdam niya ang matinding galit sa boses ng ina. Hindi naman lingid sa kaalaman niya na paborito ng nanay niya ang kanyang Ate Alice pero bakit parang ang unfair lang. Mas nasaktan siya at mas mali ang ginawa ng kapatid niya pero parang siya pa rin ang may mali.
"Pasensiya na po!" Tangi na lang niyang nasabi. Kung mangangatwiran pa siya ay paniguradong sasaktan na naman siya ng nanay niya.
Humakbang siya para tunguhin ang likod bahay para maglaba nang magsalita ang kanyang ina.
"Gusto mong magbarko 'di ba?" Nilingon niya ang ina.
"May kaibigan akong manager ng isang shipping line. Nasabi ko na gusto mong magtrabaho sa barko at maaari ka raw niyang tulungan. Kailangan mo lang magtraining sa Maynila at maaari ka ng makalarga."
"Talaga po! Pinapayagan niyo na ako?" Hindi makapaniwala si Geallan sa narinig.
"Mas makakabuti 'yon para sa kapatid mo." Baliwala na kay Geallan ang rason ng ina ang importante ay pumapayag na itong umalis siya. Lumapit siya sa ina at umupo sa tabi nito. Mahigpit niya itong niyakap.
"Salamat, 'nay! Pangako kapag nakapag-ipon ako ipapagawa ko ang bahay natin." Puno ng kagalakan ang puso niya. Sa wakas matutupad na niya ang mga pangarap niya. Maaahon na niya sa kahirapan ang pamilya niya.
"Sige na maglaba ka na!" Kinalas ni Alma ang braso ni Geallan na mahigpit na nakayakap rito.
"Maaga ang alis niyo bukas patungong Maynila." Tumayo si Alma at lumabas ng bahay. Hindi mapalis ang ngiti sa labi ni Geallan. Pero bigla siyang natigilan nang maisip si Dock. Paano na 'yan? Hindi na siya makakasama sa binata na namasyal bukas.
ANG usapan nila ni Geallan ay alas siete ng umaga magkikita sa pantalan pero alas nuebe y medya na wala pa rin ang dalaga kaya nagpasya siyang magtungo sa Isla Liwanag sa kung saan sinabi ni Geallan na nakatira ito. Isinama niya si Nognog. Tinapik niya si Nognog sa balikat at itinuro ang lalaking nakapamulsa habang naglalakad sa dalampasigan.
"Halika, magtanong tayo." Sumunod sa kanya si Nognog na nilapitan ang lalaki.
"Pare, puwede bang magtanong? Ahm. May kilala ka bang Geallan?" Tumaas ang mukha ng lalaki at tinitigan siya. Titig na nagsususpetsa.
"Geallan?"
"Hindi ko alam ang buong pangalan, eh. Pero kaibigan niya ako. Kailangan ko lang talaga siyang makita. Baka kilala mo siya, taga Isla Liwanag daw siya."
"Wala. Maliit lang ang Isla Liwanag at kilala ko ang mga tao rito. Sigurado akong walang Geallan na nakatira sa islang ito."
"Salamat!" Dismayado siyang bumuntong-hininga.
"Javan!" Isang babae ang tumawag sa lalaking kausap nila. Pagkadisgusto ang bumalatay sa mukha ng lalaki saka nagpataloy sa paglalakad at hindi pinansin ang babae.
"Paano ba 'yan, bossing, mukhang naisihan ka ni Geallan. Mukhang itinakbo lang ang pera mo." Nakatawang sabi ni Nognog.
"Hindi gan'on si Geallan, Nognog."
"Matagal mo ng kilala?" Pinukol niya ng matalim na titig si Nognog dahil sa tono nitong nang-aasar.
"Naku! Tinamaan ka 'no?"
"Ikaw ang tatamaan sa 'kin kapag hindi ka tumigil!" Banta niya sa lalaki at isang malakas na halakhak lang naging sagot.
"Halika na nga! Maghintay tayo sa yate. Siguradong sisipot 'yon. Baka may ginawa lang muna." Aniya saka nagpatiuna na, agad namang umagapay si Nognog sa paglalakad.
"Kumpyansa pa rin kahit maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi tinablan si Geallan sa gandang lalaki niya." Hinampas niya si Nognog sa tiyan.
---
Ito nga pala si Geallan na walang ayos.
Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Store