ZingTruyen.Store

BE MINE (PUBLISHED UNDER PHR----NO LONGER COMPLETE)

CHAPTER TWO

Gretisbored

THE PRINTED COPY OF THIS BOOK IS AVAILABLE ON PHR, SHOPEE AND LAZADA. CURRENTLY, MAY 20% DISCOUNT SA PHR SHOPEE. You can also avail of the book in Shopee and Lazada thru Gretisbored store. The cost of the book is just 150-200 pesos. The book copy has 3 SPECIAL CHAPTERS. Hindi ho ninyo pagsisisihan. You may also contact Gret San Diego on FB for more info about this. Thank you!

Available in all National Book Stores nationwide. You may contact Gret San Diego on FB for more details.

**********

May kakaiba akong sigla nang pumasok sa upisina nang araw na iyon. Sino ba naman ang hindi? Ang unang text na natanggap ko nang umagang iyon ay galing sa kanya. He greeted me 'good morning'.

"Ang ganda yata ng araw natin, a. Kumusta ang date n'yo ni Miguel noong Friday?" salubong sa akin ni Zyra. May hawak itong mug ng kape.

Binaba ko muna ang mga gamit sa mesa at nagsuklay ng buhok, saka kaswal siyang sinagot.

"Hindi kami natuloy."

"What?! E hindi ba maayos na ang usapan n'yong dalawa? Ano na naman ang drama ng lalaking iyon ngayon?" sunud-sunod na tanong ni Zyra.

Bago ko siya masagot, humirit na naman ito. "Alam mo, palagay ko closet queen iyang Miguel na iyan. Malakas talaga ang kutob ko. Iyong sobrang particular niya sa cleanliness at neatness ay iba'ng kahulugan. Kaya siguro siya nag-back out ay dahil may nakitang hot na hombre."

"Tange! Hinuhusgahan mo naman ang tao. Hindi, no! Ako ang may kasalanan. Hindi ako nakarating sa usapan."

Nangunot ang noo ni Zyra kaya nagpaliwanag ako.

"Inutusan ako ni Boss na sumundo sa isa sa mga engineers from Norway. Naantala ako sa airport kung kaya hindi ko na naabutan si Miguel. Nahiya nga ako doon sa tao. Mabuti na lang hindi nagalit. Nagkasundo na lang kami na i-postpone ang dinner date namin. We'll probably have it this Wednesday night. Sana walang last minute errand si Boss."

Nang marinig ni Zyra na sumundo ako sa isa sa mga foreign engineers, naintriga na ito.

"How was he? I mean, guwapo ba? Ang sabi ni Meg, ang guwapo-guwapo no'ng sinundo niyang Norwegian engineer noong isang araw," nakikilig na pang-usisa pa nito.

I tried to appear cool. Kunwari hindi ako affected, pero sa totoo lang para na rin akong sinisilihan nang maalala ang lalaking iyon at kung paano niya ako tinitigan bago kami nagkahiwalay.

"Okay lang. Bata pa siya. Akala ko no'ng una matanda na."

"And? Dali!" Pinapakuwento pa ako ng bruha.

"Mukhang mabait."

Nag-pout ang impaktita at pasalampak na naupo sa upuan. Natawa ako.

"So ang ibig sabihin, chaka?" tanong uli niya.

"Hindi naman. May hitsura nga, e. Pero nababaitan ako sa kanya."

"Hay naku! It only means one thing, chaka nga kaso ayaw mong laitin dahil mabait."

Napangiti na lang ako sa kanya. Hindi na nagsalita pa. Sa halip, inayos ko na ang mesa at nagsimula nang magtrabaho. No'n naman dumating si Ysay. Mukhang humahangos. Naglapag lang ito ng bag sa table at pinaandar na agad ang computer.

"You're just in time, girl. Ano na naman ang nangyari at halos abutan ka na naman ng bell today?" si Zyra ulit.

"Tinanghali ako ng gising. Buwisit talaga ang tinuturuan kong Krung-Krung! Halos alas dos na kami natapos dahil sa dami ng seremonya niya. Nakakainis!"

"Oy, delikado na iyan, ha? Kung ayaw niyang tumino, you better give her up. Hindi magandang nauwi ka ng ganyang oras. Maraming halang ang kaluluwa sa kalye," sabat ko naman.

Bigla akong natigil sa pakikipag-usap sa kanya nang mahagip ng paningin ko ang paparating na demonya. Napansin kong subsob na rin sa trabaho si Zyra. Si Ysay nama'y humarap pa sa akin at nagkuwento. I gave her a warning look, pero hindi niya nakuha ang gusto kong ipahiwatig kaya siya ang napagdiskitahan ni Evil Twin. Nakahinga lang kami nang maluwag nang makaalis na ang kakambal ni Lucifer.

Ewan ko ba. Hindi ko maintindihan kung bakit mukhang mainit ang dugo sa amin ni Architect Ramirez. Yes, that's right. Siya si Evil Twin. Ganyan kung tawagin namin siyang tatlo dahil ugaling demonya talaga. Wala naman kaming ginagawa, pero palagi kaming kinaiinisan lalung-lalo na si Ysay, ang bago naming kasamahan sa trabaho.

"I heard she's mad since last week," pabulong na kuwento sa amin ni Zyra. "Paano ba naman, pina-revise daw ng lead engineer ng Norway ang design niya at sinang-ayunan naman ni Mr. Petersen. Nainsulto yata ang bruha."

"At sa atin na naman ibubunton ang inis niya?" halos sabay naming sagot ni Ysay.

"Alam n'yo naman ang bruhang iyon," sagot ni Zyra sabay tayo. "Saglit lang at magpo-photocopy muna ako nito. Kailangan daw ito ni Evil Twin later, e."

No'n naman dumating si Meg, ang kanang kamay ni Architect Ramirez – actually katulad din namin siyang staff sa construction firm na iyon at kabilang sa team namin, pero magaan ang loob sa kanya ng bipolar naming architect kaya tinatawag namin siyang kanang kamay ng bruha. Tumigil ito sa desk ni Ysay at sinabihan ang kaibigan naming pumunta raw sa upisina ni Engineer Perez, ang kanang kamay naman ni Boss.

"How about me? Wala bang iuutos sa akin ang mga bosing natin?" tanong ko naman.

"Excuse ka raw ngayon, sabi ni Boss, dahil pinag-antay ka ni Engineer Bjornsen sa airport," nakangiti namang pakli ni Meg at bumalik na siya sa kanyang working area na malapit sa upisina ni Architect Ramirez.

Dahil mag-isa na lang do'n, pinasadahan ko muna ng tingin ang to-do list ko at tsinek ang pinaka-importanteng errand for the day – ang paggawa ng correspondence para sa isang supplier namin ng construction materials. Nagta-type na ako no'n nang biglang may dumaan sa desk ko at naglagay ng isang supot. Pag-angat ko ng tingin, nagkasalubong ang mga mata namin ng lalaking ilang gabi nang nagpagulo sa isipan ko. Si Engineer Nikolai Bjornsen! Ngumiti siya sa akin. Biglang nanuyo ang lalamunan ko at pinagpawisan ako nang malapot.

"Yes, Engineer Bjornsen? Do you have something to request?" pormal kong tanong. Tumayo na rin ako para hindi nangangawit ang leeg ko sa pagtingala. Ganunpaman, kailangan ko pa rin siyang tingalain dahil ang tangkad niya. Siguro nasa six-two or six-three siya, samantalang nasa five-five lang ako. Naka-flat shoes pa ako ng araw na iyon.

Imbes na sumagot, tinuro niya ang supot. Napatingin uli ako do'n. Nangunot na ang noo. Nang buksan ko iyon, nakita ko ang dalawang donuts at naamoy pa ang hot cocoa.

"Just a simple token for what you did for me," at ngumiti uli siya bago tumalikod. Napanganga ako. Nang mapasulyap ako sa kanya, no'n naman siya lumingon at pabiro pang nag-hand salute sa akin. Napahawak tuloy ako sa kaliwa kong dibdib. Gusto kong magtititili.

Dumaan na naman sa table ko si Evil Twin at nag-abot ng memo.

"Give me five copies. I need it ASAP."

Ngumiti ako sa kanya nang ubod-tamis at masiglang tumakbo sa copy room. Mayamaya pa'y, nasa upisina na ako ng bruha at inaabot na sa kanya ang hinihingi niya.

"Mayroon pa ba kayong inuutos, Architect Ramirez?" magalang kong tanong.

Sumulyap lang siya sa akin na parang may pagtataka bago umiling at sinenyasan na akong lumabas. Kahit na parang aso niya akong tinaboy, hindi iyon nakabawas sa positive vibes na naramdaman ko. Pakiramdam ko I was on cloud nine.

Pabalik na ako sa desk ko nang makita ko si Boss sa bungad ng kanyang upisina. Tila may kinakausap ito sa loob kung kaya hindi lubusang isinara ang pinto. Nang makita niya ako, kinawayan niya ako para lumapit.

"Yes, Boss?" tanong ko agad.

"Pakisamahan mo nga si Nikolai sa immigration para sa kaukulang working permit niya? Nakausap ko na ang contact ko roon and I was told that our guy needs to appear personally there. The construction will start ASAP so we need to have their paperworks done this week."

Bumilis agad ang tibok ng puso ko. Parang gusto ko na parang ayaw. Medyo natatakot kasi ako sa tinatakbo ng damdamin ko. Baka mahulog akong lalo sa kanya at ayaw kong mangyari iyon as much as possible. Hindi kasi ako naniniwala sa interracial relationship. Ang isa kong ate na nakapag-asawa ng puting Canadian ay hiwalay na sa asawa. Tatlong taon lang ang itinagal ng relationship nila.

"Leigh?" untag ni Boss. He even snapped his fingers in front of my face. Nag-init ang mukha ko. "Are you with me?" tanong pa sa akin.

"Y-Yes, B-Boss. Naisip ko lang po kasi – may pinapagawa po kasi sa akin si Architect Ramirez na letter. Kailangan daw po niya iyon today."

"That can wait. Unahin mo ito. Halika nga muna sandali sa office," at tinulak na nito ang pintuan para lumuwang ang bukas. Pinauna niya ako sa loob. At nakita kong nakaupo sa sofa si Nikolai. Ito pala ang kinakausap ni Boss habang nasa bungad ng upisina kanina.

"As I was telling you a while ago, Leigh here can assist you with your paperworks. She'll go with you to the immigration office today."

May kung anong kumislap sa mga mata ni Nikolai. Parang labis na natuwa. Kinilig naman ako. Pero bago pa ako mag-inarte sa harap niya, sumulyap ako kay Boss kunwari at nakinig sa further instructions niya.

**********

Pinauna ko na sa sasakyan si Nikolai habang nagliligpit ng mga gamit. Takang-taka ang dalawa nang maabutan nila akong nagmamadali sa pag-alis.

"Nautusan na namang maging yaya," kunwari'y naiinis kong paliwanag.

"Aw. Sorry, Leigh," si Ysay. "Isipin mo na lang na maswerte ka. At least, you don't have to deal with you-know-who."

Napangiti ako. Kung alam n'yo lang...

Pagdating ko sa kotse, prenteng nakaupo na sa backseat si Nikolai. Binuksan ko ang harapan sa tabi ni Mang Roman. Nangunot ang noo ng matanda at nagkomento agad.

"Ayaw mo bang tabihan ang pogi nating inhinyero, Leigh?"

"Mag-concentrate ka na lang sa pagmamaneho, Mang Roman. Siguraduhin mong makarating tayo do'n nang ligtas," asik ko sa kanya. Tumawa lang ito.

Nilingon ko si Nikolai sa likuran at nakita kong parang nalungkot ito. Disappointed? Pero hindi naman nagkomento. Ngumiti lang nang mapakla nang magtama ang paningin namin. Tinanong ko siya kung okay lang siya sa likuran. Hindi siya sumagot. Sa halip ay tumango lang at tumingin na sa labas ng bintana.

"Nalungkot tuloy si Pogi. Ikaw, e."

Tinapunan ko nang masamang tingin si Mang Roman at nagbuklat-buklat ng fashion magazine na dala-dala ko sa bag.

Nang makarating kami sa immigration office, sinalubong agad kami ng kakilala ni Boss. Ito ang umestima sa amin doon kaya hindi na kami pumila. Napansin ko pang parang nagpapa-cute pa ang lola kay Nikolai. Pambihira! Mukha na ngang retiring age, kumekerengkeng pa sa lalaki. Nagsawalang-kibo na lang ako.

Ang aga naming natapos doon kung kaya labis akong natuwa. Ang sabi ni Boss, ito lang ang trabaho ko for the day. Ang ibig sabihin ay puwede na akong umuwi sa amin. I was thrilled. Makakapagpahinga pa ako ng kalahating araw.

"Uhm, are you free tonight?" medyo nahihiyang tanong ni Nikolai nang naglalakad na kami papunta sa parking lot.

Gosh, he's inviting me for a date! Gusto kong umuo agad-agad, pero naisip kong baka lalo kong maipagkanulo ang damdamin at isipin nitong I'm an easy lay. Ang sabi ni Ate ang panget daw ng impresyon ng ibang lahi sa Pinay. Iniisip ng karamihan na ang mga Pilipina raw ay madaling mabola basta pakitaan lang ng pera. Baka gano'n din ang iniisip ni Nikolai. I have to act cool.

"Much as I want to, I have other plans tonight," sabi ko sa kanya. Nakita kong nalungkot siya. Nagsisi tuloy ako. Okay ba'ng bawiin ang sinabi?

"I get it. You have a boyfriend and he might not like it if you go out with a strange-looking man from another planet," may himig-biro niyang sagot.

"Oh, no!" maagap ko namang pakli. "I mean – I h-have no b-boyfriend." As soon as I said it, biglang umaliwalas ang kanyang mukha. Pinagsisihan ko tuloy kung bakit ko iyon nasabi at ang paraan ng pagsabi ko. I sounded like I was too eager to let him know that I was available. Gusto kong kutusan ang sarili.

"Then why won't you go out with me?" deretsahan niyang tanong sa akin.

Hindi ako nakasagot. Tumigil siya sa paglakad at humarap sa akin. Hindi ako makatingin nang deretso sa kanya. Pakiramdam ko kasi malulunod ako sa asul niyang mga mata.

"I j-just –," nagkumpas-kumpas ako na parang gustong magpaliwanag, pero walang lumabas sa mga bibig ko kundi puro, 'I just'. Napangisi na siya sa akin. Sinimangutan ko siya.

"Where do you live?" tanong niya sa akin at nagpatuloy na kami sa paglakad.

Hindi na naman ako nakasagot. Buti na lang, umeksena si Mang Roman. Malayo pa lang kami ay sumigaw na ito sa amin at tinuro kung saan naka-parking ang sasakyan. May excuse akong huwag siyang sagutin. Akala ko nakalusot na ako.

"We'll go to Leigh's house first, Roman. We'll drop her off there before heading back to my place," mando nito sa driver namin. Pabiro namang nag-'yes, sir' agad ang matanda at tiningnan pa ako na parang nanunukso. Hindi ko siya pinansin.

Nang akmang bubuksan ko na ang pinto sa tabi ni Mang Roman, hinawakan niya ang kamay ko, kung kaya lumingon ako sa kanya. He smiled at me, sabay hila sa akin sa backseat. Siya ang nagbukas nito at inalalayan akong pumasok sa loob. Hindi na ako nagprotesta dahil nakatingin sa amin ang intrigerong matanda.

"Alam mo, Leigh, huwag ka nang magpakipot diyan kay Pogi. Mukha namang mabait at hindi bastos. Tsaka malay mo, makapunta ka pa sa bansa nila. Aba'y jackpot ka diyan. Pogi na, mukhang mayaman pa. Dinig ko kay Boss, binata iyan kaya huwag kang matakot."

"Mag-drive na lang kayo diyan, Mang Roman. Nakakainis ka, e!"

Binalingan ako ni Nikolai at tinanong kung ano'ng pinag-usapan namin ng matanda.

"He was just asking me for directions," pagsisinungaling ko. Tumangu-tango siya at hindi na nagsalita pa.

Mayamaya'y dumausdos ito ng upo at sinandal ang ulo sa sandalan ng upuan. From the corner of my eye, I saw him closed his eyes. Makaraan ang ilang sandali, I heard his even breathing. Gusto ko sana siyang titigan like the other night, pero natatakot akong baka mahuli na naman niya ako. Tiniis ko ang curiosity. Nagbuklat-buklat na lang ako ng magazine sa kandungan. But after a few minutes, napasulyap ako sa kanya dahil nahulog na ang ulo niya sa balikat ko at nalanghap ko ang bango ng kanyang buhok. Natutulog na kaya ang kumag na ito? Hindi muna ako tuminag. Saka lang ako kumilos nang lalong sumiksik ang ulo niya sa leeg ko. Dahan-dahan akong umisod. Nagising siya.

"Oh, sorry about that," sabi niya sa mahinang tinig at kinusut-kusot ang mga mata. "I had a rough night for three nights in a row now. I couldn't sleep well. I guess, I have not yet adjusted to the new surroundings," paliwanag niya.

Tumangu-tango lang ako at pinagpatuloy na kunwari ang pagbabasa ng magasin. Bumalik naman siya sa pagtulog. Mayamaya uli, nakahilig na naman siya sa akin. Kinilig na ako. Para kasing sinasadya na niya. Nang sulyapan ko, parang anghel na natutulog sa balikat ko. Napangiti ako. Hinayaan ko na lang habang nagbabasa, pero hindi rin ako maka-concentrate. Parang kinikiliti ng pabango niya ang ilong ko. Maya't maya'y napasulyap ako sa kanya. Nang masiguro kong tulog na nga, tinagalan ko ang pagtitig. At nagulat ako nang bigla na lang dumilat ang isa niyang mga mata at ngumiti siya nang pilyo sa akin. Sa pagkapahiya, umisod ako agad hanggang sa pinakadulo ng upuan at tumingin sa labas ng bintana.

"You've got beautiful eyes," sabi niya sa mahinang tinig na parang sa akin niya lang gusto iparinig. Kaagad na nag-init ang mukha ko at pinagpawisan ako nang malapot. Kaya nang makarating kami sa amin, dali-dali akong bumaba. Nauntog pa ang ulo ko sa gilid ng pintuan sa backseat dahil parang nawalan ako ng huwisyo.

"Careful," paalala naman niya sabay hawak sa ulo kong tumama sa gilid ng pinto. "Does it hurt?" tanong pa niya.

"N-No, I'm okay," pakli ko sa mahinang boses at bumaba na. Bumaba rin siya at ginala ang tingin sa palibot.

"Take care, Leigh, and see you tonight?" at ngumiti siya uli sa akin.

"I – I," nauutal kong sagot. Gusto ko siyang sabihan na hindi ako puwede, pero walang namutawi sa mga bibig ko. Lalo akong nataranta nang binigya uli ako ng matamis na ngiti bago bumalik sa loob ng kotse. Hindi ko na nasabi ang gusto kong sabihin. Kumaway na lang ako sa kanila at dali-dali nang pumasok sa kalye namin. Nang makapasok ng bahay, napasandal ako sa pintuan sapo ang kaliwang dibdib. Para akong tumakbo ng 100-meter dash. Ang bilis ng tibok ng puso ko.

t

Bạn đang đọc truyện trên: ZingTruyen.Store